TATLO katao ang sugatan matapos sumiklab ang isang riot sa Tondo, Maynila.
Arestado naman ang suspek na kinilala lang sa pangalang Jawo matapos saksakin ang mga nakaalitan sa tindahan kung saan siya bumili ng alak.
Kwento ng mga saksi, bago ang insidente ng pananaksak ay nagtalo muna ang suspek at ang kaniyang asawa dahil sa pera.
Pagkatapos ay tumungo sa tindahan ang suspek para bumili ng alak at napagbalingan umano niya ang isang lalaking nakilala bilang si Donald Raymundo. Pinagbantaan pa di umano ng suspek ang mga kainuman ni Raymundo bago nagpunta sa katabing barangay. Doon na raw nagsimula ang gulo.
Damay rin sa gulo ang batang ayon sa mga testigo ay tinamaan ng bote sa ulo. Nang makatiyempo, kinorner at kinuyog ng mga residente ang suspek.
Nang humupa ang gulo, tatlo ang sugatan – kabilang ang suspek na sasampahan ng kasong frustrated homicide.
