MAGKATUWANG na tinutugis ng National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), at Bureau of Immigration (BI) ang isang Japanese national na pinaniniwalaang nasa likod ng kabi-kabilang bomb threat sa mga tanggapan ng gobyerno.
Sa isang pahayag, kinilala ang Japanese national sa pangalang Takahiro Karasawa na di umano’y dati nang sangkot sa parehong modus sa Pilipinas gayundin sa ibang bansa.
Nakikipag-ugnayan na rin ang NBI sa Japan Police Attache at iba pang law enforcement agencies para suriin maigi ang pananakot ni Karasawa.
Samantala, naglabas ng direktiba si Immigration Commissioner Norman Tansingco para sa mas masusing imbestigasyon sa pagkakakilanlan ng ng banyagang Hapon.
Araw ng Lunes ng bulabugin ng kabi-kabilang bomb scare ang iba’t ibang tanggapan ng gobyerno matapos makatanggap ng sulatroniko (email) mula sa Karasawa.
Sa email, sinabi ni Karasawa na yayanigin ng mga bomba ang mga pangunahing ahensya ng gobyerno ng Pilipinas sa Pebrero 12, bandang alas 3:34 nang hapon.
“We will also verify if this is his real identity or if he is a prankster using a fictitious name,” dagdag pa ni Tansingco.
Para tiyakin mananagot sa batas ang banyaga, agad na nagpalabas ng hold order ang BI laban sa suspek.
“Hindi ito basta-basta ginagawa ng national government. Anumang banta sa seguridad ay dapat matugunan ng pinakamabigat na parusa ng batas,” aniya pa.
