HAYAGANG sinalungat ng mga negosyante ang Senado sa isinusulong na panukalang P100 kada araw na umento sa sahod ng mga manggagawa.
Ayon kay Sergio Ortiz Luis, pangulo ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP), hahantong sa pagkalugi ng mga negosyo ang ganun kalaki na paggalaw sa antas ng sweldo ng mga empleyado.
Bukod aniya sa pagbagsak ng mga negosyo, hindi rin aniya makikinabang ang mahihirap na manggagawa sa P100 dagdag-sahod dahil mas marami ang mga nagtatrabaho sa informal sector na walang mga employer gaya ng mga vendor, magsasaka, mangingisda, tricycle drivers, pedicab at maging ang tour guide.
Dapat rin umano ikonsidera ng Senado ang inflation o ang pagtaas sa presyo ng bilihin sa merkado.
Para kay Ortiz Luis, minadali ng mga senador ang pagdinig sa panukalang umento dahil hindi naman aniya ipinatawag man lang ang mga stakeholder. Patutsada pa ng lider-negosyante, “sila-sila lamang ang nagkumbinsihan sa kanilang panukala.”
Dapat di umanong kumonsulto ang mga senador sa mga ekonomista. Gayunpaman, bukas aniiyya ang kanilang hanay pag-usapan ang umentong maglalaro sa pagitan ng P30 hanggang P60 kada araw na dagdag-sahod.
“Okay lang ‘yong mga P30 to P60 increase, kaya ‘yan. Pero ‘yong P100, ay naku catastrophe ‘yan,” ani Ortiz-Luis.
