ALINSUNOD sa planong paluwagin ang New Bilibid Prisons (NBP) facility sa Muntinlupa City, ibiniyahe ng Bureau of Corrections (BuCor) ang 459 persons deprived of liberty sa kanilang bagong bakasyunan – sa Iwahig Prison and Penal Farm sa sa Puerto Princesa, Palawan.
Mula buwan ng Enero ng kasalukuyang taon, pumalo na sa 1,254 ang kabuuang bilang ng mga mga presong na inilipat ng BuCor sa iba pang operating prison at penal farm na nasa ilalim ng pangangasiwa ng naturang kawanihan.
Kabilang sa mga inilipat ang isang inmate na ibiniyahe ng IPPF na sakay ng ambulansya matapos mapag-alaman may sakit na hypokalemia.
Paliwanag ni BuCor chief Gen. Gregorio Catapang, ang paglilipat ng mga “bakasyonista” sa ibang BuCor facilities ay naglalayong tugunan ang overcrowding sa Munti – habang naghihintay ang kawanihan sa budget na gagamitin para sa pagpapatayo ng regional correctional facilities.
Siniguro din ng opisyal na isusulong ng BuCor ang modernisasyon ng mga piitan sa buong bansa, kasabay ng programang nagtutulak na gawing bahagi ng food security program ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga presong tuturuan at sasanayin sa agrikultura sa ilalim ng programang Reformation Initiative for Sustainable Environment (RISE).
Mula 2018, naglalaro sa 7,823 preso ang pumapasok sa piitan kada taon – hindi hamak na mas mataas kumpara sa 5,327 na lumalaya sa bawat taon.
