Ni ESTONG REYES
WALANG kahirap-hirap na nakalusot sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na nagtutulak ng P100 kada araw na dagdag-sahod sa hanay ng mga minimum wage earners sa kabila pa ng pagtutol ngng mga pribadong kumpanya at maging ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Sa botong 20 pabor, inaprubahan ng Senado ang Senate Bill 2534 (An Act Providing for a 100 Pesos Daily Minimum Wage Increase for Employees and Workers in the Private Sector) na pinag-isang bersyon ng ng mga panukalang batas (kabilang ang mungkahing P150-kada araw na across the board wage hike na hirit ni Senate President Juan Miguel Zubiri) inihain ng mga mambabatas sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso.
Batay sa pinakahuling desisyon ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) sa National Capital Region, nakapako sa P610 ang minimum wage sa Metro Manila.
Nito lamang nakalipas na taon nagpasya ang mga RTWPB na itaas ang minimum wage sa manggagawa sa Northern Mindanao, Zamboanga Peninsula, Cagayan Valley, Central Luzon, SOCCSKSARGEN, at Central Visayas.
Una nang nagpahayag ng agam-agam ang DOLE sa epekto sa mga negosyante – partikular sa micro, small, ang medium enterprises – sakaling ipatupad ang P100 kada araw na dagdag-sahod sa mga minimum wage earners.
Maging ang mga ekonomista at pamunuan ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP), diskumpyado rin sa legislated wage hike. Pangamba pa nila, posibleng humantong sa inflation at tuluyang pagsasara ng mga negosyo ang naturang hakbang.
