Sinabi ni Poe, chairman ng Senate committee on public services na hindi lamang napapanahon ang privatization ng NAIA kundi matagal nang dapat isinakatuparan.
Ni ESTONG REYES
HINDI ang pagpapalit ng pangalan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang solusyon sa masamang imahe ng naturang paliparan, ayon kay Senador Nancy Binay kasabay ng panawagan para sa agarang pagsipa ng rehabilitasyon matapos igawad ng Department of Transportation (DOTr) ang P170-billion NAIA modernization project sa San Miguel Corporation.
Para kay Binay, mas dapat bigyang prayoridad ang kahihiyan dulot ng kabi-kabilang kapalpakan sa NAIA, kabilang ang power outage na naging sanhi para maparalisa ang operasyon ng paliparan, gayundin ang pagkaantala, perwisyo at peligrong dulot sa libo-libong mga pasahero noong nakaraang taon.
“Siguro bago natin pag-usapan ang pagpapalit ng pangalan ay tutukan muna natin ang pag-aayos ng NAIA. First step itong na-award na, and hopefully within a year ay may makikita na tayong improvement pagdating dito sa ating airport,” ayon kay Binay.
“Sa akin itong usapin ng pagpapalit ng pangalan ay hindi pa napapanahon, at hindi na dapat natin pagaksayahan ng panahon ang ganyang pagpapalit,” giit pa ni Binay.
Nitong Biyernes, inihayag ng Department of Transportation na napanalunan ng isang consortium sa pangunguna ng San Miguel Corp. (SMC) ang bidding sa P170.6 billion NAIA rehabilitation project.
Nagwagi ang SMC SAP & Co. Consortium sa public-private partnership project matapos nitong ipinanukala ang 82.16-percent revenue sharing scheme sa gobyerno.
Babala pa ni Binay, may pangdaigdigang implikasyon ang pagpapalit ng pangalan ng NAIA at maaari itong magdulot ng pagkalito sa turista – “Malilito na naman ang mga turista natin dahil pabago-bago ang pangalan ng airport,” aniya.
