TALIWAS sa bruskong Rodrigo Duterte ang nasilayan ng mga Cebuano matapos maglabas ng posisyon ang dating Pangulo hinggil sa kontrobersyal na Charter Change (ChaCha) na isinusulong ng administrasyong Marcos.
Sa ginanap na candlelight prayer rally sa Cebu City, hayagang sinabi ni Duterte na wala siyang pagtutol sa tinutulak na amyenda sa 1987 Constitution. Gayunpaman, may kondisyon ang dating Pangulo – hindi makikinabang ang mga nakaupo sa pwesto sa anumang pagbabago sa Saligang Batas.
Partikular na tinukoy ni Duterte ang planong amyenda sa political provisions na magbibigay-daan sa pananatili sa pwesto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at iba pang kaalyado.
Aniya, iniluklok ng mga Pilipino si Marcos para lang sa isang six-year term.
“Cha-cha ok. Basta si Marcos mag-commit siya sa mga tao na hindi siya tatakbo ulit. There’s really no problem, you do not have to convince me with anything. Except that, it should not be a right for those who are incumbents including the President. Pati si Marcos, President sabihin ko sa kanya: “Mr. President, you were elected under a Constitution for one term of six years, be happy with that. Six years, one term only,” hirit pa ng dating Pangulo.
