Ni ESTONG REYES
MALINAW na nagsasayang lang ng limitadong pondo ang pamahalaan sa pagpapadala ng isang delegasyon para sa ika-10 World Health Organization Framework Convention on Tobacco Control (WHO FCTC), ayon kay Senador Alan Peter Cayetano, kasabay ng pasaring sa aniya’y kawalan ng sinceridad ng gobyerno sa laban kontra paninigarilyo.
Ayon kay Cayetano, taliwas ang direksyon ng pamahalaan sa aspeto ng kalusugan.
“The reality is that the Philippines, at this point in time, both with the law and with the representations made, is pro-tobacco,” ayon kay Senador Alan Peter sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee ukol sa pagtanggap ng bansa ng “Dirty Ashtray” Award sa ika-limang pagkakataon.
Kinuwestyon din ito ni Blue Ribbon Committee chairperson Senador Pia Cayetano ang motibo ng delegasyon ng Pilipinas, kasabay ng giit na pawang pro-tobacco industry players na nagpapanggap na tobacco farmers ang nais kumatawan sa bansang Pilipinas sa naturang pagtitipon.
“Kung farmers ang gusto niyo protektahan, bakit niyo pinipigilan ang mga Articles 9 at 10 tungkol sa testing at measuring ng produktong tabako?” parunggit ng babaeng Cayetano.
Binigyang-diin naman ni Senador Alan ang kasaysayan ng industriya ng tabako sa pagkubli ng katotohanan at pagpigil ng impormasyon sa mga mapaminsalang epekto ng nito, na siyang dahilan sa pagtaas ng paggamit ng tabako lalo na ng mga kabataan.
“The problem for me is when we present ourselves as anti-tobacco, but we are actually pro-tobacco,” aniya.
Paniwala ni Senador Alann, kapitalista lang ang nakikinabang sa P160-bilyong taunang kita ng tobacco industry habang nananatiling lugmok ang mga tobacco farmers.
“Let’s not say we are protecting the farmers here, kasi the farmers only get P1 billion, kulang pa yun,” saad ni Senador Alan.
