Ni ESTONG REYES
SALUNGAT ang posisyon ng dalawang prominenteng senador sa usapin ng sabayang pagdaraos ng 2025 midterm election at plebisito para Charter Change (ChaCha) na isinusulong ng administrasyon.
Para kay Senate President Juan Miguel Zubiri, mas mainam pagsabayin ang plebisito at halalan para makatipid ang pamahalaan.
Gayunpaman, hayagang kinontra ni Senador Risa Hontiveros ang naturang mungkahi.
“I think ang pagpilit nila ng plebisito sa kanilang pekeng people’s initiative o plebisito para sa sinasabing amyenda sa economic provisions lamang ng Konstitusyon — I think it’s a bad idea,” ayon kay Hontiveros.
Nanindigan naman si Zubiri sa inihayag na posisyon. Aniya, makakatipid ng tumataginting na P13 bilyon ang pamahalaan kung isasabay ang plebisito sa mid-term election.
Anopaman ang kahihinatnan, nanindigan si Hontiveros na dapat ibasura ang ChaCha na inilarawan bilang pagtataksil, hindi praktikal, nagsusulong ng pagkakahati-hati ng lipunan at sadyang hindi makatwiran.
“Hindi pa nga sigurado — [Constituent Assembly] ba ang ginagawa ng Senado o ng House. Sa ngayon tutol talaga ako dyan,” aniya.
Samantala, malugod na tinanggap naman ni Zubiri ang pahayag ni Commission on Elections (Comelec) chairman George Garcia na sang-ayunan ang ahensya na isabay ang plebisito sa 2025 midterm elections.
“Katulad po ng nauna na nating sinabi, ang statement po ng Comelec ay consistent sa kahilingan ng ating Pangulong Bongbong Marcos Jr. na kanyang ipinahayag sa atin nitong nakaraan lamang,” ayon sa lider ng Senado.
“And this strategic move not only streamlines our electoral processes but also saves valuable resources. P13 billion is a significant amount that could be allocated towards critical infrastructure projects and social programs that will benefit our nation,” giit pa ni Zubiri.
Para kay Zubiri, mas mainam kung makakapagsubi ang pamahalaan ng sapat na pondo para tustusan ang pagtatayo ng 5,200 silid-aralan, o gamitin sa pagpapaunlad ng kalagayan ng mamamayan, pagpapatayo ng agricultural development projects o infrastructure improvements sa rural areas.
“I agree with the position of the Comelec. With limited resources and competing priorities, it is imperative that we maximize every peso spent to address the most pressing needs of our citizens, and it also aligns with the vision of the President for the country,” pagtatapos ni Zubiri.
