Ni LILY REYES
LIMANG opisyal ng Philippine National Police (PNP) na may ranggong colonel ang na-promote bilang brigadier generals, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
Na-promote sa one-star rank sina Colonels Florendo Gerdan Jr., Porfirio Calagan, Rolly Octavio, Bernard Yang at Rogelio Raymundo Jr., batay sa memorandum na inilabas ng DILG.
Samantala, na-promote din bilang Colonel ang 15 opisyal na may ranggong Lieutenant Colonel at ito ay sina Arnel Ramos, Michael John Mangahis, Vivian Paclibon, Joefel Siason, Susan Mangaldan, Sajid Mukaram, Nilo Texon, Joan Montero, Dexter Tinepac, Resty Valmores, Charlie Vete, Leo Mendoza, Paul Gamido, Jaime Barredo Jr. at Emerson Dante.
Noong Enero, tiniyak ng DILG na walang pagkaantala sa pagpoproseso ng mga promosyon ng mga third-level police officers.
Nauna nang nagpasa ng resolusyon ang National Police Commission (Napolcom) na nag-uutos sa pagkumpleto ng pagproseso ng mga promosyon para sa mga third-level police officers sa loob ng 30-araw pagkatapos matanggap ang kumpletong documentary requirements.
Sinabi ni DILG Secretary Benjamin Abalos Jr., na siya ring chairman ng Napolcom, na ang promosyon ay higit na nagpapataas sa moral ng mga tauhan at nagsisilbing inspirasyon sa kanilang walang humpay sa paglaban sa kriminalidad, iligal na droga, katiwalian at sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa kanilang mga nasasakupan.
