Ni LILY REYES
TUMATAGINTING na P13.6 milyong halaga ng methamphetamine hydrochloride na mas kilala sa tawag na shabu ang nakumpiska ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang operasyon kontra droga sa Zamboanga City.
Katuwang ang intelligence operatives mula sa Naval Forces Western Mindanao (NFWM), timbog rin sa operasyon ang dalawang drug-listed personalities na agad na pinosasan sa aktong pag-aabot ng droga sa PDEA agent na nagpanggap na buyer ng kontrabando.
Sa imbestigasyon, dinakip ang dalawang hindi pinangalanang suspek sa isinagawang buy-bust operation sa Dunkin Donuts parking lot, sa Nunez Ext., Brgy. Camino Nuevo, sa naturang lungsod.
Nasamsam ng mga awtoridad ang dalawang paketeng naglalaman ng drogang tumimbang ng dalawang kilo. Pagtataya ng PDEA ang nahagip na kontrabando ay may katumbas na halagang P13.6 milyon .
Nasamsam din ng mga awtoridad ang isang puting OPPO android cellular phone at isang Yamaha AX motorcycle na may plate number na 432 JOC.
Kasunod ng operasyon, ang mga nasabat na droga ay agad na ipinadala sa Zamboanga City Forensic Unit para sa masusing quantitative at qualitative analysis.
Nakapiit na ang mga suspek sa detention facility ng PDEA regional office sa Zamboanga City habang inihahanda ang mga kasong isasampa sa piskalya.
