SA halip na aklat, rehas ang kapit ng dalawang senior high school students nna dinakma ng pulis sa ikinasang operasyon kontra droga sa lalawigan ng Cavite.
Pansamantalang isinailalim sa kustodiya na ng City Social Welfare and Development (CSWD) ng pamahalaang lungsod ng General Trias sina alyas Karl, 16-anyos at kasamang alyas Rowel, 14 taong gulang, kapwa residente ng Barangay San Francisco, sa nasabing lungsod.
Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas 2:30 ng madaling araw nang ikasa ang buy-bust operation batay sa timbre ng impormante sa di umano’y pagtutulak ng isang alyas Boy. Mabilis na dinakip ng mga operatiba ang dalawang menor de edad matapos iabot ang droga sa pulis na nagpanggap na buyer.
Timbog din sa follow-up operation ng lokal na pulisya ang target na si alyas Boy na nakunan naman ng drogang tumimbang ng halos tatlong gramo.

