DEAD on the spot ang isang rider habang 11 pasahero naman ang sugatan matapos mahagip ng Victory Liner bus ang motorsiklo bago tuluyang mahulog sa bangin sa Ilagan City sa lalawigan ng Isabela.
Batay sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, binabaybay sa magkasalungat na direksyon ng motorsiklo at Victory Liner bus na di umano’y mabilis na minamaneho ng isang Louie Andoy ang kahabaan ng national road nang maganap ang insidente sa naturang lungsod.
Pagdating sa bahagi ng Barangay San Juan, pinilit di umano iwasan ni Andoy ang kasalubong na motorsiklong minamaneho ni Roland Basog ng Santa Catalina, Ilagan City.
Nawalan di umano ng kontrol sa bus ang drayber hanggang sa mahagip ang motorsiklo bago pa man tuluyang nahulog sa bangin na may lalim na 300 metro.
Mabilis naman sumaklolo ang mga nakasaksi sa naturang insidente, habang mabilis naman tumakas ang bus driver. Sa kabuuan, 11 sa 18 pasahero ng bus ang nagtamo sugat at pasa. Patay ang rider na si Basog.
Nagkasa ng manhunt ang lokal na pulisya sa bus driver na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide, multiple injuries and damage to properties. Wala pang pahayag ang pamunuan ng Victory Liner.
