TUMATAGINTING na P25,000 kada buwan ang kinokolekta di umano ng isang opisyal ng Land Transportation Office (LTO) mula sa mga bus operators na bumabyahe sa lalawigan ng Cavite.
Partikular na tinukoy sa reklamong isinumite ng mga bus operator sa Presidential Action Center (PAC) si LTO Calabarzon Regional Director Gerry Asuncion.
Sa liham na nilagdaan nina Federico Callejas ng Celyrosa Transport, Henry Cayao ng Lorna Express, Francis Caballero ng Floralde Liner, at Teddy Lising, chairman ng Cavite-Batangas Transport Service Cooperative (CBTSC) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., idinetalye ang di umano’y panggigipit ni Asuncion sa mga bus drivers at operators.
Ayon sa mga nagreklamong bus operators, hinuhuli at kinakargahan ng gawa-gawang paglabag ng batas trapiko ang kanilang mga drayber at bus sa tuwing naantala ang buwanang ganansya. Kabilang sa mga rutang apektado ang mga byaheng Naic-PITX, Tagaytay-PITX, Alfonso-PITX at Mendez-PITX.
Bukod sa buwanang tara, pahirapan din ang hiling nilang humarap kay Asuncion – kung di sila maghahatag ng P50,000.
Hirit ng mga bus drivers at operators kay Marcos, sampolan si Asuncion.
