BSKE 2023 Emergency Accessible Polling Place (EAPP). Roy Domingo
HINDI na kailangan makipag siksikan sa pila para bumoto ang mga senior citizens, may kapansanan at buntis sa araw ng halalan, ayon kay Commission on Elections (Comelec) chairman George Garcia.
Sa isang kalatas ng Comelec, binigyan ng two-hour window time ng poll body ang mga senior citizens, persons with disability (PWD) at mga buntis para sa nalalapit na 2025 midterm elections.
Ayon Garcia, eksklusibong inilaan ng Comelec ang dalawang oras – mula 5:00 ng umaga hanggang 7:00 ng umaga ang mga voting precincts sa mismong araw ng halalan.
Paglilinaw ng Comelec chairman, papayagan pa rin bumoto ang ibang senior, PWD at buntis na hindi aabot sa two-hour window time.
“Lahat po ng mga presinto sa buong Pilipinas boboto ang mga nakatatanda, may mga kapansanan at nagdadalang tao ng 5 a.m. hanggang 7 a.m., exclusive sa kanila,” ani Garcia.
“Pero hindi po nangangahulugan na kung ayaw man ng iba na bumoto ng ganung oras pwede pa rin silang bumoto sa regular na oras po,” dagdag pa niya.
Sa datos ng Comelec, nasa 12 milyong senior citizens at 600,000 PWDs ang inaasahang makikilahok sa 2025 midterm polls.
