Ni EDWIN MORENO
ANTIPOLO City, Rizal – Malamig na rehas ang kinasadlakan ng magkapatid na babae matapos mabisto ang tangkang pagpupuslit ng droga sa bibisitahing preso.
Kinilala lang sa pangalang Sally at Katrina ang magkapatid na di umano’y nahulihan ng 250 gramo ng shabu na ikinubli sa maselang bahagi ng katawan habang sumasailalim sa inspeksyon ng jail officer ng Antipolo City Jail.
Sa isang pahayag ng lokal na pulisya, nakatanggap di umano ng impormasyon ang Jail Warden ng Antipolo City Jail hinggil sa paparating na droga – hudyat para sa mas mahigpit na inspeksyon sa mga dalaw.
Dakong alas 4:00 ng hapon kamakalawa nang dumating ang magkapatid sa piitan. Agad na napansin naman di umano ng jail personnel ang kakaibang kilos ng dalawa – hudyat para agad na isalang sa body search ang mga suspek.
Dito na tumambad ang drogang nagkakahalaga ng P1.36 milyon.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek na nakapiit custodial facility ng lokal na pulisya.
