DALAWANG linggo makaraang matakasan ng banyagang pinwersa magtrabaho bilang scammer, sinalakay ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at Philippine National Police (PNP) ang isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa bayan ng Bamban sa lalawigan ng Tarlac.
Ayon sa PAOCC, nasa 875 katao – kabilang ang 500 dayuhan – ang nasagip sa naturang operasyon laban sa POGO hub na di umano’y sangkot sa human trafficking, scam at illegal detention ng mga empleyadong ginagamit sa online panloloko.
Sa pahayag ni Undersecretary Gilbert Cruz, sinalakay sa dalawang bisa ng warrant of arrest ng pinagsanib na pwersa ng PAOCC at PNP ang POGO hub na pag-aari di umano ng Zun Yuan Technology Incorporated.
Bago ang pagsalakay, naghain ng reklamo sa PAOCC ang dalawang foreign nationals na nakatakas di umano sa pasilidad ng Zun Tuan Technology Inc. matapos ikulong at sapilitang pagtrabahuhin bilang scammer.
Matapos ang operasyon, nagsagawa ng imbentaryo ang mga operatiba. Lumalabas na sa 875 na empleyadong sinagip, pinakamarami ang mga Chinese nationals – 432 katao. Kabilang rin sa mga nasagip ang 371 Pinoy, 57 Vietnamese, walong Malaysian, dalawang Indonesian, dalawang Rwandans at tatlong Taiwanese.
Patuloy naman bineberipika ng Bureau of Immigration and estado ng mga banyaga.
Narekober sa sinalakay na POGO hub ang mga scripts na kahalintulad sa mga love scam modus gayundin ang mga androids at smartphones na mayroong mga scam transactions.
