
Ni ESTONG REYES
MULING lumikha ng eksena ang senador na minsang nagsilbi bilang director general ng Philippine National Police (PNP) matapos mag prisinta bilang bodyguard ni Pastor Apollo Quiboloy – sa kondisyong haharap ang naturang religious leader sa mga pagdinig ng Senado.
Garantiya ni Senador Ronald dela Rosa, mananatiling ligtas ang buhay ni Quiboloy.
“Kung gusto nya, ako ang mag-security sa kanya. Kahit na one-man security ako, haharangin ko lahat ng may threat sa buhay nya. Hindi ko papalusutin kung sino mang may threat sa kanyang buhay,” ani Quiboloy.
Ayon pa kay Dela Rosa, walang puwedeng bumaril at pumatay kay Quiboloy sa loob ng Senado, lalo pa’t malaking insulto sa Kongreso kung hindi mapapangalagaan ang seguridad ni Quiboloy – o kung sinumang inanyayahan para maging bahagi ng “investigation in aid of legislation.”
Minsan nnang naging tampulan ng batikos si dela Rosa matapos lumuhod sa gitna ng pagdinig ng kontrobersiyang kinasasangkutan ng mga bulilyasong pulis nito lamang mga nakalipas na buwan. Sa naturang tagpo, nakaluhod na nakiusap ang senador sa mga pulis na magsabi ng totoo.
Una nang nagpalabas ng mandamiento de arresto ang Senado laban sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder matapos i-contempt bunsod ng makailang ulit na hindi pagsipot sa pagdinig ng Senate Committee on Children, Family Relations and Gender Equality na pinamumunuan ni Sen. Risa Hontiveros.
Maging si Senate President Juan Miguel Zubiri, tiniyak ang kaligtasan ni Quiboloy na nahaharap sa mahabang talaan ng kaso, kabilang ang sex trafficking by force, fraud and coercion, and sex trafficking of children, sex trafficking by force, fraud and coercion, conspiracy, at bulk cash smuggling.
Wala rin aniyang dapat ikabahala ang kontrobersyal na pastor – “Tinitiyak namin igagalang nila ang kanyang karapatan bilang isang resource person.”