Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
HINDI sapat ang garantiyang wala na sa hanay ng ‘auxiliary corps’ ang nasa 36 Chinese nationals, ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, kasabay ng giit ng isang mas malalim ng imbestigasyon hinggil sa naturang usapin.
Ayon kay Barbers na tumatayong chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, dapat tukuyin at parusahan kung kinakailangan ang mga binansagan niyang mga ‘Makabagong Makapili’ na nasa likod ng pag-recruit sa nasabing mga Tsino sa PCG Auxiliary.
“Noong panahon ng Hapon sa Pilipinas, meron tayong mga Makapili. Ngayon, meron na rin umano tayong mga Makabagong Makapili na nagsisilbi sa interes ng China sa ating bansa. Panahon na para imbestigahan at kilalanin ang umano’y mga walang kunsensya at taksil sa bayan na mga ito,” tahasang sabi pa ng ranking House official.
Ayon kay Barbers, nagtataka siya at talagang hindi tama kumuha at tanggapin ng PCG ang mga Chinese national sa hanay ng auxiliary corps gayung ang bansa ay mayroong mainit alitan sa China sa kung sino ang lehitimong nakakasakop sa West Philippine Sea (WPS).
“The Chinese nationals are with the PCGA for more or less three years. Did the PCG conduct due diligence on these nationals? Obviously, there’s none. As Admiral Gavan has admitted, some 36 were axed because they failed to secure national security clearance. We also do not know if those Chinese nationals are officials from the China People’s Liberation Army, businessmen, or tourists out to justify their longer stay here in our country,” pag-uusisa naman ng Mindanaoan lawmaker.
Wika ni Barbers, hindi rin malinaw kung anong ranggo ang ibinigay ng PCG sa mga Tsino bilang auxiliary corps members. Higit pa aniya sa ranggo, dapat rin halukayin ang kung may suhulan sa pagpasok ng mga Tsino sa PCGA.
Dapat rin aniya talupan ang mga naging gawain at iba pang naging aktibidad ng 36 Chinese mula sa unang araw ng pagpasok sa PCGA, kasabay ng giit na posibleng sa pag-anib ng mga naturang dayuhan nalagay sa kompromiso ang seguridad ng bansa.
Pagsisiwalat pa ni Barbers, may mga impormasyong nakarating sa kanyang tanggapan hinggil sa pagsama ng mga Chinese nationals sa routine at patrol missions ng PCG sa West Philippine Sea.
“Sa mahigit na tatlong taon na sila ay nakapaloob sa PCG, malamang ay may mga kasama itong espiyang Chinese military at alam na nila lahat ang mga estratehiya, missions and objectives, communications gadgets, at duties and functions ng lahat ng opisyal ng PCG, at iba pa. Kung iisipin, grabe ang nagawang kawalanghiyaan sa PCG at dapat panagutin sa batas kung bakit nila pinayagan ito,” pagtatapos ni Barbers.
