SA hangarin pigilan ang pwersahang pagbabalik sa Pilipinas para harapin ang mahabang talaan ng mga kasong kriminal kaugnay ng pamamaslang sa Negros Oriental, nakatakDang dumulog ang kampo ni dating Congressman Arnie Teves sa United Nations Human Rights Commission (UNHCR).
Ayon kay Atty. Ferdinand Topacio na tumatayong abogado ng pinatalsik na kongresista, masyado na aniya ang panggigipit ng gobyerno kay Teves na itinuturong utak sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at siyam na iba pa sa bayan ng Pamplona ng nasabing lalawigan noong Marso 4 ng nakalipas na taon.
Paglilinaw ni Topacio, hindi agad-agad makakabalik sa Pilipinas si Teves sa bansa matapos palawigin ng korte sa Timor Leste ng 15-araw ang kustodiya sa dating mambabatas pagpiit detention ni Teves ng maximum na 15 araw o sa buong panahon ng magiging paglilitis.
Katunayan aniya, nilisan na ni National Bureau of Investigation Director Medardo de Lemos ang Timor-Leste makaraang abisuhan hinggil sa extended detention kay Teves.
Nagpasaring din si Topacio kay Assistant Secretary Jose Dominic Clavano kaugnay ng isyu ng deportation. Aniya, wala sa usapin ang extradition o deportation habang isinasagawa ang pagdinig ng korte sa Timor Leste hinggil sa hirit na political asylum ni Teves sa naturang bansa.
Kumbinsido rin ang abogado na target lamang di umano ng gobyerno ilagay sa mas malaking kahihiyan ang dating kongresista matapos aniyang magtangka kumuha ng larawan ni Teves habang nasa loob ng selda.
