KUMBINSIDO ang Commission on Elections (Comelec) na higit pa sa target na tatlong milyon ang madadagdag sa bilang ng mga botanteng makikibahagi sa nalalapit na 2025 midterm elections.
Base sa datos ng Comelec, pumalo na sa 1.52 milyon ang pumasok na applications for registration sa naturang ahensya isa’t kalahating buwan mula nang buksan ang voters’ registration period noong ika-12 ng Pebrero ngayong taon.
Sa kalatas ng poll body, ibinida ni Comelec Chairman George Garcia ang 1,527,939 registration applications ang naiproseso sa buong bansa sa mga Comelec office, satellite registration centers at “Register Anywhere Program” (RAP) stations.
Kabilang sa mga rehiyon na nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng mga bagong botante ang Calabarzon na may 279,440; Metro Manila na may 228,929; Central Luzon, 168,702; Central Visayas, 112,176; at Davao, 105,929.
Nakatakdang matapos ang voters’ registration period sa Setyembre 30 ngayong taon.
