PARA sa isang militanteng kongresista, hindi katanggap-tanggap ang palusot ng lokal na pulisya ng Davao City na nanindiggang walang alam kung saan bansa sa nasasakupang lungsod nagkukubli si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy.
Sa isang pahayag, kinastigo ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ang Davao Police kaugnay ng pahayag kung saan iginiit na blangko ang lokal na pulisya sa kinaroroonan ni Quiboloy para sa paghahain ng warrant of arrest na inilabas ng Kamara at Senado.
Patutsada ni Castro, masyadong malaki ang intelligence at confidential fund ng Davao Police para hindi malaman ang pinaglulunggan ng nagtatagong religious leader na nahaharap sa mga kasong conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud and coercion, and sex trafficking of children, sex trafficking by force, fraud and coercion, conspiracy, at bulk cash smuggling.
Una nang iginiit ni Davao Regional Police Spokesperson Major Catherine dela Rey na wala silang impormasyon sa kinaroroonan ni Quiboloy na aminadong umiiwas magpakita sa publiko bunsod ng di umano’y banta sa kanyang buhay.
“We cannot confirm if Pastor is still in Davao because we also do not know where he is now,” pahayag ng Davao Regional Police Office.
