SA ikalawang pagkakataon, muling sumadsad ang approval at trust ratings ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., batay sa resulta ng pinakahuling survey ng Pulse Asia.
Sa datos ng Pulse Asia, pumalo lang sa 55% ang puntos na nakalap ng Pangulo – malayo sa 68% na naitala noong Disyembre ng nakalipas na taon.
Maging ang bilang ng mga Pinoy na hindi nasiyahan sa performance ni Marcos, higit pa sa doblado – mula sa dating 9% lang sa huling bahagi ng nakaraang taon, umarangkada sa 20%.
Pinakamababa ang nakuhang approval rating ni Marcos sa Mindanao kung saan nakasungkit lanng sii Marcos ng 40% mula sa dating 62%, habang 47% na lang ang approval rating ni Marcos sa Metro Manila mula sa dating 64%.
Sa Visayas, bumaba sadsad din – 54% mula sa 66% at natitira pang bahagi ng Luzon, 66% mula sa 74%.
Pinakamahapdi ang lagapak na tinamo ng Pangulo mula sa Class E (sektor ng maralita) kung saan umabot lang sa 48% (mula sa dating 62%) ang approval rating ni Marcos.
Apektado rin ang Pangulo sa aspeto ng tiwala ng taumbayan. Base sa survey ng Pulse Asia, nakakuha si Marcos ng 57% trust rating noong nakaraang buwan – malayo sa 73% na nasungkit ng Punong Ehekutibo noong Disyembre 2023.
Pinakamarami ang taga Mindanao sa mga nawalan ng tiwala kay Marcos – 38% mula 70%. Sumunod ang Visayas, 54% mula 73%; Metro Manila, 55% mula 76% at natitira pang bahagi ng Luzon, 67% mula 72%.
Samantala, bumaba rin naman ang ratings ni Vice President Sara Duterte ngunit nananatili pa ring siya ang most approved at trusted sa limang pinakamataas na opisyal ng bansa.
Base sa survey, ang approval ni Duterte ay bumaba ng 7 puntos, o mula sa dating 74% ay naging 67%.
Sa aspeto ng trust rating, bumaba din sa 71% noong Marso 2024, mula sa 78% noong Disyembre 2023.
Ang approval ratings ni Duterte ay nananatiling pinakamataas sa kanyang baluarte sa Mindanao, 92%; sinundan ng Visayas, 64%; balance Luzon, 61%; at Metro Manila, 52%.
Ang trust ratings naman ng bise presidente ay nasa 95% sa Mindanao; 72% sa Visayas; 62% sa balance Luzon at 60% sa Metro Manila.
