Ni JAM NAVALES
NANAWAGAN ni AGRI Partylist Rep. Wilbert Lee sa Department of Agriculture (DA) para na makipagtulungan sa International Rice Research Institute (IRRI) para sa pamamahagi sa mga magsasaka ng binhing nagtataglay ng ultra-low glycemic index (GI) at protein-rich na uri ng bigas para pababain ang bilang ng mga Pilipinong may sakit na diabetes.
Ayon kay Lee, hindi kaila kabilang ang Pilipinas sa mga nangungunang consumer ng bigas sa buong mundo, at dahil pangunahin sa hapag-kainan ng mga Pilipino ang kanin ay konektado ito sa pagdami ng tinataaman ng nasabing karamdaman.
Base sa datos ng International Diabetes Federation, kung saan kasapi ang Philippine College of Endocrinology, Diabetes and Metabolism, mahigit 4.3 milyon ang naitalang kaso sa diabetes sa hanay sa 66.7 milyon adult population – katumbas ng 6.44%.
Ang mas nakababahala aniya ay ang pag-aaral noong 2023 kung saan lumalabas na ikaapat sa pangunahing sanhi ng kamatayan sa bansa ang diabetes.
Sa naturang bilang, 14,416 cases (katumbas ng 6.2%) ang binawian ng buhay.
Kaya naman lubos na ikinagalak ng Bicolano lawmaker ang ulat ng IRRI hinggil sa napipintong paglabas ng ultra-low GI, high-protein rice variety pagsapit ng taong 2025.
“The research institute said the multi-location trial for this has already been started in more than 10 provinces nationwide,” ayon pa kay Lee.
“The IRRI said it expects more rice farmers to cultivate this variety once the trials determine the target market. According to IRRI scientists, the price of ultra-low GI, high protein rice will be the same as the normal rice available in the markets,” dagdag ng kongresista.
Ani Lee, kapag napabilis pamamahagi ng naturang uri ng bigas sa mga magsasakang Pilipino, sa pamamagitan na rin ng pakikipagtulungan ng DA sa IIRI, mas mapapabilis din ang pagtatampok ng naturang klase ng bigas sa merkado.
“Kapag mas may access at nagawa pa nating mas abot-kaya sa Pilipino ang ganitong klase ng bigas, mas marami ang matutulungan nating makaiwas o mabawasan ang alalahanin sa mga chronic disease tulad ng diabetes at kaugnay nitong mga sakit,” aniya pa.
“Dahil sinabi rin ng mga eksperto na mas mabilis tayong makakaramdam ng pagkabusog sa bigas na ito, mas kaunti rin ang ikokonsumo natin. Bawas na sa pangamba sa sakit, bawas pa sa gastos. Winner Tayo Lahat sa bagong uri at mas healthy na bigas na ito.” Wakas na pahayag ng mambabatas.
