HINDI kinagat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga kondisyon ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy para sumurender at harapin ang mahabang talaan ng mga kasong isinampa sa husgado.
Ayon kay Marcos, hindi angkop na maglatag ng kahit anong kondisyon sa gobyerno ang isang akusado.
“I think it seems to be a little bit tail wagging ano, na siya ang magbibigay ng kondisyon sa gobyerno doon sa kaso niya, akusado siya… may warrant of arrest,” sambit ng Pangulo sa isang ambush interview.
Gayunpaman, nangako si Marcos na magiging patas sa paglilitis sa mga kasong inihain laban sa kontrobersyal na pastor. Wala rin umanong basehan ang agam-agam ni Quiboloy hinggil sa pakikialam ng Estados Unidos.
Kabilang sa mga hirit ni Quiboloy bago sumuko ang “written guarantee ng Pangulo, Department of Justice (DOJ), National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) na hindi pahihintulutan anngg Estados Unidos makisawsaw sa mga kinakaharap na kaso sa Pilipinas.
Banta pa ni Quiboloy, hindi siya pahuhuli ng buhay sa sandaling tanggihan ang kanyang mga kondisyon.
Samantala, kumbinsido si Justice Secretary Crispin Remulla na matibay ang mga ebidensyang magdidiin kay Quiboloy.
Paglalarawan ni Remulla, kasuklam-suklam at hindi mga simpleng reklamo lamang ang mga bintang sa dating Presidential Spiritual Adviser ni former President Rodrigo Duterte.
“The charges against Quiboloy are not ‘simple.’ They involve serious and morally abhorrent offenses such as sexual assault of a minor and human trafficking.”
