Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
MULING rumatsada ang pagsasamantala ng mga ganid ng negosyante sa hanay ng mga magsasaka, pagbubunyag ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo.
Ayon kay Tulfo, higit na angkop bantayan ang mga onion traders bilang tugon sa sunod-sunod na reklamong inihain sa Kamara ng mga magsasaka, kasabay ng pagtitiyak na hindi palalampasin ng Kamara ang pagsasamantala ng mga negosyanteng nambabarat ng mga sibuyas na ani ng mga magbubukid sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“Amin pong tinitignan ngayon ang kalagayan ng ating mga local onion farmers na tila patuloy na pinagsasamantalahan ng mga traders sa paghakot ng kanilang pananim sa di makatarungang halaga,” pahayag ni Tulfo.
Panawagan sa mga kinauukulan, puspusang pagbabantay sa pagsasamantalang aniya’y lubhang nakakaapekto sa presyo sa merkado.
“Mukhang kailangan araw-arawin namin itong mga ito dahil parang pinapahupa lang nila ang issue at kapag tahimik na, muli silang namamakyaw ng mga sibuyas na bagsak-presyo… maaaring hino-hoard o tinatago at binebenta naman sa di hamak na mataas na halaga sa merkado,” dugtong ni Tulfo.
“Ang kawawa po kasi dito bukod sa ating local farmers ay ang ating mga konsyumer – ang taong-bayan, dahil sa taas ng presyo ng bilihin gaya ng sibuyas.”
