PINABULAANAN ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang mga paratang na isinuko niya sa China ang West Philippine Sea sa panahon ng kanyang panunungkulan sa Palasyo.
Paglilinaw ni Duterte, ‘status quo’ lang ang kanyang itinulak sa West Philippine Sea para pahupain ang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China – tigil China sa paggawa ng mga artificial island, gayundin ang pagdadala ng mga construction materials sa BRP Sierra Madre ng Pilipinas.
“The only thing I remember was that status quo. That’s the word… No movement, no armed patrols there. As is, where is, para hindi tayo magkagulo,” wika ng dating Pangulo sa Facebook Live ng SMNI.
“Yun ang naalala ko. I don’t even know the Ayungin Shoal. I assure you that if it was a gentleman’s agreement, it would always have been an agreement that will keep the peace in the South China Sea,” aniya pa.
Nang tanungin hinggil sa sinabi ni former Presidential Spokesperson Harry Roque hinggil sa pagkukumpuni nakasadsad na BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal – “As is, where is nga. You cannot bring in materials to repair and improve. Wala ‘yan.”
Bago pa man binasag ni Duterte ang pananahimik kaugnay ng mga patutsada hinggil sa gentleman’s agreement sa pagitan ng Pilipinas at China, nagpahayag ng pagkadismaya at takot si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa posibleng epekto ng kasunduan ng dating punong ehekutibo kay Chinese President Xi Jinping.
“Ang sinasabi sa agreement na ‘yan ay kinakailangan tayong magpermiso sa ibang bansa para gumalaw sa ating sariling teritoryo. Mahirap siguro sundan ‘yang ganyang klaseng agreement,” sambit ni Marcos sa isang pahayag.
“I am horrified by the idea that we have compromised into a secret agreement the territory, the sovereign rights of the Filipino,” dugtong pa ng Pangulo.
Samantala, nanawagan si Duterte sa administrasyong Marcos na huwag na palakihin ang usapin– “Stop complaining and expounding on it. Do it and repair. ‘Yun ang masasabi ko sa kanila. I challenge them dahil sila naman ang nasa gobyerno ngayon. I-repair nila at gumawa ng bahay-bahay if they are really ready for that. I-patrol na nila ang Philippine Navy gray ships, and let us see what will happen.”
