SA kabila pa ng iringan sa pagitan ni Vice President Sara Duterte at First Lady Liza Araneta-Marcos, walang plano ang Pangulo sibakin bilang Kalihim ng Department of Education (DepEd) ang anak ng pinakamaingay niyang kritiko.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., walang magaganap na pagpapalit sa pamunuan ng DepEd kahit pa may hindi pagkakaunawaan ang kanyang maybahay at ang katambal noong May 2022 presidential election.
Para kay Marcos, hindi sapat dahilan ang tampuhan sa pagitan ng asawa at ni VP Sara, kasabay ng garantiyang hindi nakakaapekto sa trabaho ng Kalihim ang mga patutsada ng Unang Ginang.
Paglilinaw ng Pangulo, may mga pinaiiral siyang panuntunan sa mga itinalaga sa pwesto. Aniya, anumang oras ay pwede naman niyang sibakin sa pwesto ang mga Kalihim kung hindi epektibo ang liderato sa departamento.
Kabilang rin sa pwedeng dahilan para pababain sa pwesto ang isang Cabinet Secretary ay ang pagkakaroon ng malubhang karamdaman.
Sa kaso ng mga tiwali, hindi aniya sapat ang sibakin sa pwesto.
Nang tanungin hinggil sa tugon ni VP Sara sa patutsada ng asawa, wala aniyang dapat ayusin ang bise-presidente.
“I think that she (VP Sara), also as a wife, understands how the First Lady feels, when you have to sit there and listen to these attacks that are being made against your husband,” aniya.
Paliwanag ng Pangulo, hindi sanay sa plastikan ang asawang abogada lalo pa’t di naman mula sa pamilya ng mga politiko ang mga Araneta.
Una nang inamin ni Gng. Marcos na “bad shot” sa kanya si VP Sara matapos dumalo sa pagtitipon kung saan inakusahan ni former President Rodrigo Duterte si Marcos na bangag sa droga.
