KASTIGO mayor ang inabot ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel sa hanay ng mga mangingisda kaugnay ng planong pag-angkat ng 25,000 tonelada ng isda mula sa ibang bansa.
Para sa grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA), hindi katanggap-tanggap ang isinusulong na fish importation ng Department of Agriculture (DA).
Sa panayam na lumabas sa Abante Teletabloid, nanindigan si Pamalakaya National Chairperson Fernando Hicap na walang batayan ang naturang fish importation lalo pa aniya’t nasa gitna ng “open season” ang isinusulong na fish importation ng kagawaran ni Tiu Laurel.
Palaisipan din ani Hicap, ang desisyon ni Tiu Laurel na aniya’y unang nagpatutsada sa naglipanang imported na isda sa mga pamilihang bayan.
Paliwanag ni Hicap, karaniwang umaangkat ng isda ang Pilipinas sa tuwing closed season kung saan mahigpit na ipinagbabawal ang pangingisda sa karagatang sakop ng bansa.
“Hindi natin inaasahan kasi unang-una, nag-i-import tayo lagi kapag mayroong closed season at fishing ban. Sa ngayon po ay nasa open season tayo mula January. Ang fishing ban naman nagsisimula ‘yan last quarter of the year saka ‘yung first quarter of the year,” wika ng lider-mangingisda.
Sa mga nakalipas na taon, nakagawian ng pamahalaan magdeklara ng fishing ban pagsapit ng buwan ng Setyembre para bigyang-daan ang muling pagdami ng isda sa dagat.
