PARA kay House prosecutor Ysabel at San Juan City Rep. Maria Zamora, isang “kathang isip” lamang ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang sinasabing Oplan Romanov na naglalayong ipatumba ang pangalawang pangulo.
“Litong-lito kami sa Romanov na yan… tignan na lang natin ang pagkatao ng ating Presidente, sa kanyang pamilya, I don’t think that anyone would think that these words relating to assassination, massacre, all of that, would come from the First Family. Kathang-isip ito ng kabilang partido dahil wala naman napatunayan na may ganoong ng plot sa kanila,” ang pahayag pa ni Zamora.
Ayon naman kay Prosecution spokesperson Atty. Benjamin Tolosa Jr., ang mga abogado ng bise presidente ang sila lamang naglahad sa Senate impeachment court ng Oplan Romanov, na wala namang iba pang detalye o patunay hinggil dito.
“Maliwanag na walang kahit na anong ebidensya na mailalapag dito sa paglilitis na ito na mapapatunayan ito in any way. It just remains an allegation. At the end of the day, it seems that by raising this matter, it seems that they’re trying to justify the threat by raising this,” sabi ni Tolosa.
Dagdag niya, mas mahalagang masagot ay kung tama ba na pagbantaan ng bise presidente sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at former Speaker Martin Romualdez dahil lamang sa paniniwala nitong ipinapapatay siya at kanyang pamilya.
Subalit sa paglalantad naman ng depensa sa Oplan Romanov ay kinukumpirma na rin nito na talagang ginawa ng nasasakdal ang pagbabanta at nais lamang nilang bigyang-katwiran ng mga abogado ng pangalawang pangulo.
“At the end of the day, it seems that by raising this matter, it seems that they’re making the point that they’re trying to justify the threats by raising this,” ani Tolosa.
“Pero ang katanungan diyan na dapat din pag-isipan ng ating mga kababayan, tama ba na kung mayroong pakiramdam na dahil dito sa mga ganitong klaseng allegations, ay pwede nang pagbantaan ang buhay ng ibang tao, pwede nang pagbantaan ang buhay ng Presidente?”
Binigyan-diin naman ni Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega V na hindi dapat isantabi lang nasabing pagbabanta ng nasasakdal dahil buhay ng First Couple at ng dating lider ng Kamara ang tinutukoy.
“Hindi biro yang ganyan. It’s a grave crime. Yung conditional threat naman kasi palusot lang ‘yan ng nag grave threats. Yang ganyang mga bagay hindi maliit na bagay na hindi mo na lang papansinin. That’s a threat to the highest official of the land,” punto ni Ortega.
