TIGIL-OPERASYON ang lahat ng minahan sa bayan ng Sariaya, sa utos ng pamahalaang panlalawigan upang bigyang-daan ang komprehensibong pag-aaral para sa wastong pangangalaga ng kalikasan at paglinang ng likas na yaman.
Ikinasa na rin Quezon Gov. Helen Tan ang isang imbestigasyon sa hangaring matumbok ang mga pagkukulang ng mga mining companies na binigyan ng permiso ng Provincial Mining Regulatory Board (PMRB).
“Simula’t sapol, bahagi ng aking adbokasiya ang pangangalaga ng ating inang kalikasan at ang responsable at sustinableng paggamit ng mga likas na yaman. Kaya naman simula ng ihalal ninyo ako bilang gobernadora, agaran kong tagubilin ang mahigpit na regulasyon sa quarrying operations sa ating lalawigan” wwuka ng punong lalawigan.
Pag-amin ni Tan, nakarating sa kanya ang panawagan ni Sariaya Mayor Marcelo Gayeta sa mga residente ng nasasakupang bayan na tutulan ang operasyon ng quarry at minahan bilang proteksyon sa kalikasan.
Hinikayat din ni Tan ang lokal na pamahalaan ng Sariaya na pag-aralan ang mga binigay na business permit sa iba pang mining companies –bukod sa mga kumpanyang una nang nagpatupad ng tigil-operasyon matapos tablahin ni Mayor Gaceta ang aplikasyon para sa Mayor’s Permit.
Bukod sa Sariaya, target din ni Tan ipatigil ang quarry operation sa iba pang bahagi ng lalawigan ng Quezon bilang proteksyon sa protected areas sa nasasakupang probinsya.
