HINDI bababa sa 2,000 modern jeeps ang nakatengga na lang sa terminal ng mga kooperatiba bunsod ng pagtanggi ng mga drayber na pumasada, ayon kay Mar Valbuena na tumatayong lider ng grupong Manibela.
Katwiran di umano ng mga tsuper, hindi kayang bunuin sa maghapong pamamasada ang itinakdang quota (boundary) na ireremit sa kinabibilangang kooperatiba.
Pagtatapat ni Valbuena, lubha siyang nabigla sa tumambad na dami ng mga modern jeeps na nakagarahe lang sa mga terminal na inukutan ng grupong Manibela sa iba’t sa Luzon at Visayas Region.
“Marami kaming napuntahan na nakatambak yung modern unit,” ani Valbuena sa isang panayam sa radyo.
Sa pagtataya ng Manibela, pinakamarami ang hindi na pumapasadang modern jeeps sa Metro Manila, Central Luzon, Calabarzon at ilang lugar sa Visayas.
“Hindi bababa ng 2,000 units,” dugtong pa ng lider ng Manibela.
“Walang driver na gustong magbiyahe nito kasi sa sobrang laki ng quota kada araw, hindi kinakaya.” aniya pa.
Pumalo na rin aniya P1.8 bilyon ang hinahabol ng isang bangko ng gobyerno sa mga kooperatibang hindi na nakakahulog.
Base sa isang pag-aaral, kailangan itaas sa P35 ang minimum fare sa mga modern jeepney para makapaghulog sa inutang na modern jeep at kumita ng bahagya sa pamamasada.
