Ni ESTONG REYES
TARGET ng isang senador isulong ang panukalang batas na mahigpit na nagbabawal sa paggamit ng cellphone sa loob ng paaralan.
Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, pinapaspasan na ng kanyang tanggapan ang pagbalangkas ng panukalang batas na ihahain sa Senado sa mga susunod na linggo.
Para kay Gatchalian, hindi angkop na agawin ng cellphones at iba pang gadgets ang atensyon ng mga mag-aaral habang may klase.
Pag-amin ng senador, nakaka-adik ang cellphone – dahilan kung bakit aniya nakatutok pa rin ang mga estudyante sa kani-kanilang cellphone sa halip na makinig sa leksyon ng guro.
Pati aniya ang oras na dapat ay para sa meryenda at pananghalian, nauubos din umano cellphone.
Una nang inihain sa Kamara sa ilalim ng 18th Congress ang kahalintulad na panukala subalit bigong makalusot sa Kongreso.
“Importanteng konsepto dito, habang nasa eskwelahan ang bata, i-ban ang cellphone. Pwede lang niyang gamitin kung uwian na, pero during class hours at sa loob ng eskwelahan ban muna para mabigyan ng oras ang bata na magbasa, makipag-usap sa titser niya at kaibigan niya at maging bata hindi lang nakatutok sa cellphone.”
