Ni ESTONG REYES
HINDI sapat na kanselado ang lisensya ng 19 na armas na nakapangalan kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy, ayon kay Senador Risa Hontiveros kasabay ng hirit na disarmahan ang mga miyembro ng KOJC.
Para kay Hontiveros, dapat tiyakin ng Philippine National Police (PNP) na walang armas ang mga tagasuporta ni Quiboloy na una nang nagbanta sa ‘posibleng bwelta’ ng mga kapanalig sa sekta.
Paniwala ng senador, may sariling private army kontrobersyal na pastor na wanted bunsod ng mahabang talaan ng kasong kriminal kabilang ang pang-aabuso at pagmamaltrato sa mga menor de edad na miyembro ng sekta.
Panawagan pa ng mambabatas sa PNP – dakpin sa lalong madaling panahon si Quiboloy na may apat na standing warrant of arrest mula sa Senado, Kamara, at mula sa regional trial court ng Pasig City at Davao.
“Matapos nilang pagdiskitahan ang Senado bilang institusyon, ngayon naman, ang ating kapulisan ang iniinsulto. Hindi tayo papayag na pagmukhain niya tayong tanga,” pagtatapos ni Hontiveros.
