PUSPUSAN na ang ginagawang paghahanda ng Commission on Elections (Comelec) para sa pagdaraos ng 2025 midterm election.
Katunayan pa ayon kay Comelec Chairman George Garcia, inaasahan ang pagdating sa Agosto ng tinatayang 20,000 automated counting machines (ACM) na gagamitin sa halalang idaraos sa buwan ng Mayo ng susunod na taon.
Paglilinaw ni Garcia, unang batch pa lang ng ACMs na rerentahan ng poll body para sa 2025 midterm election ang ide-deliver sa bansa sa Agosto.
“Makakapag-deliver na sila ng more or less na initial na 20,000 na units,” wika ni Garcia sa isang panayam sa radyo.
Kumbinsido naman ang Comelec chief na matatapos ang paghahatid sa bansa ng 110,000 units ng ACMs bago matapos ang taon.
Pagtitiyak pa niya, nasusunod ng komisyon ang itinakdang timetable para sa isinasagawang paghahanda sa halalan sa susunod na taon.
