SA hangaring tiyakin ang kaligtasan ng mga mamamayan sa sandaling maganap ang tinaguriang “The Big One,” iikutan ng Office of Civil Defense (OCD) para tiyakin ipinatutupad ng mga lokal na pamahalaan ang polisiyang “No Build Zone” na nagbabawal sa pagtatayo ng anumang istruktura sa mga lugar na pasok sa kategoryang peligroso.
Ayon kay Undersecretary Ariel Nepomuceno na tumatayong OCD Administrator, target ng ahensya makipagpulong sa 82 gobernador, 1,641 city at municipal mayors at mahigit 42,000 barangay chairman para isulong ang anila’y “engineering solutions” bilang paghahanda sa malakas na lindol.
Partikular na pagtutuunan ng OCD ang mga probisyon ng Structural Code of the Philippines na aniya’y pinakamabisang paraan ng paghahanda sa delubyong nagbabadya.
“Strict compliance means respecting the safety provisions of the Structural Code of the Philippines and prohibition of construction of houses in No Build Zones. We are more on the preventive approach than sorry later to save thousands of lives,” wika ng opisyal.
Hindi rin aniya sapat ang “Duck, Cover, and Hold” drills, kasabay ng panawagan sa publiko maging mapagmasid sa mga istrukturang hindi may mga paglabag sa umiiral na National Building Code.
Base sa pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA) sampung taon na ang nakaraan, maglalaro sa 30,000 hanggang 50,000 ang mamamatay sa sandaling yanigin ng malakas na lindol ang Metro Manila at mga karatig probinsyang binabaybay ng West Valley Fault System.
