HINDI bababa sa P30 bilyon ang kabuuang halaga ng drogang nasamsam ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa unang anim na buwan ng 2025
Batay sa datos ng PDEA, mas marami ang kontrabandong nasamsam ng ahensya mula Enero hanggang Hunyo ngayon taon kumpara sa P15-bilyong halaga ng ipinagbabawal na gamot sa unang anim na buwan ng nagdaang taon
Sa talaan ng PDEA, nasa 4.23 tonelada (katumbas ng P29.26 bilyon) ang nasamsam ng ahensya.
Bistado rin sa pagsalakay ng PDEA ang tatlong laboratoryo, bukod pa sa 222 drug dens na ikinandado.
Katuwang ng PDEA, ang iba pang law enforcement agencies, sa pagsasagawa ng kabuuang 19,765 anti-drug operations – 472 sa naturang bilang ay pasok anila sa kategorya ng high-impact operations, na humantong sa pagka aresto sa 26,051 drug personalities, mula Enero 1 hanggang Hunyo 30, 2025.
Sa kabuuan, 1,551 ang high-value targets (HVTs) ang nadakip na binubuo ng 39 elected officials, 6 uniformed personnel, 73 government employees, 27 foreign nationals, 5 leader/drug group members, 68 regional-listed, 96 target-listed, 231 drug den maintainers, 15 resurgents, 835 personalities mula HIOs at 156 HVTs.
Patuloy naman anila ang pagdinig ng kaso sa 24,869 personalidad na nadakma sa unang bahagi ng kasalukuyang taon.
“PDEA continues to deliver significant results as it stood in the forefront of the national anti-drug campaign. The effective and efficient strategic orchestration and collaboration among the country’s drug law enforcement agencies and involvement of the local communities gave rise to these achievements,” sambit ni PDEA Director General Undersecretary Isagani Nerez. (LILY REYES)
