ILANG oras makaraang kumalas sa partidong Lakas-CMD na pinamumunuan ni House Speaker Martin Romualdez, nakipagkita si Vice President Sara Duterte kay dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo na nilaglag bilang Senior Deputy Speaker ng Kamara.
Sa kanyang Facebook post, ibinida ni Arroyo ang isang larawan kung saan kasama si Duterte, bilyonaryong si Manny V. Pangilinan, San Pedro Mayor Art Mercado, business executive Bong Sta. Maria at dating Labor Undersecretary Pearl Viernes.
Paglilinaw ng dating Pangulo, wala sa kanilang dalawa ang nag-organisa ang pagtitipon para lamang aniya ipagdiwang ang magkasabay na kaarawan ng mga dumalo.
“Picture was taken after May 19 lunch hosted by Mr. Manny Pangilinan to celebrate the birthdays of Vice-President Sara Duterte, former President Gloria Macapagal Arroyo, San Pedro Mayor Art Mercado and Mr. Bong Santamaria,” saad sa Facebook post ni Arroyo.
Usap-usapan ang ‘demotion’ na ipinataw kay Arroyo bunsod ng mga balitang nagpa-plano diumano ang dating Pangulo na patalsikin sa pwesto si Romualdez bilang lider ng Kamara.
Itinanggi ni Arroyo ang alegasyon.
Kasunod ng insidente sa Kamara, agad na naghain si Duterte ng ‘irrevocable resignation’ sa partido ni Romualdez.
“I am here today because of the trust of the Filipino people in me to lead and serve them and the country, and this cannot be poisoned by political toxicity or undermined by execrable political powerplay, “ maikling pahayag ni VP Sara kaugnay ng kanyang paglisan sa partido.