TULOY ang search and rescue operations para sa 13 Pinoy crew ng barkong MV Eternity C na pinasabog at pinalubog ng mga rebeldeng Houthi noong Hulyo 7, 2025 habang naglalayag sa Red Sea malapit sa bansang Yemen sa Arabian Peninsula.
Walo sa kabuuang 21 Filipino crew members ng nasabing barkong bumabiyahe sa ilalim ng Liberian Flag ay nailigtas makalipas ang 48 oras na palutang-lutang sa dagat matapos lumubog ang barko, saad ni Department of Migrant Workers (DMW) Undersecretary Bernard Olalia sa Saturday News Forum sa Quezon City.
Ang insidente ay bahagi ng serye ng assault campaign ng Houthis sa mga dumaraan sa Red Sea, bilang pakikiisa umano nila sa mga Palestino sa Gaza sa gitna ng Israel-Hamas war na nagsimula noong 2023.
Ayon kay Olalia, nakikipag-ugnayan ang DMW sa Department of Foreign Affairs at Department of National Defense para sa search and rescue. “Nakikipag-usap na sila sa kanilang foreign counterparts doon para matiyak ang sustained search efforts,” aniya.
Bineberipika naman ng DMW ang ulat na tatlo sa mga marinong Pinoy ay pinatay na ng mga rebelde, habang ilan din umano sa mga ito ang binihag.
“We strongly believe that they are still alive because their companions who survived there for more than 48 hours, floating, were rescued, and hopefully, we can also save most of those who are missing,” aniya.
Samantala ay ligtas na na-repatriate o naiuwi na sa bansa ang lahat ng 17 marinong Pinoy na crew naman ng cargo ship na MV Magic Seas na naunang pinalubog ng mga Houthis sa Red Sea noong Hulyo 6.
Dumating noong Biyernes, Hulyo 11, sa Clark International Airport sa Pampanga ang anim sa mga ito, at sumunod namang dumating sa Ninoy Aquino International Airport noong 11 PM ng Sabado ang natitirang 11 pa.
Ang mga ito ay kasama ng kapuwa crew na Vietnamese at Romanians na mabilis nakapag-abandon ship bago lumubog ang kanilang barko.
Sa pag-uwi nila sa Pilipinas ay sinalubong sila ng mga opisyal ng DMW sa pangunguna ni Secretary Hans Leo J. Cacdac, na nagsabing: “You are skilled and brave. We have the Aksyon Fund to provide you with help and support, but that’s not what matters most. What matters is that you made it home safely.” 30 (Reggie Vizmanos)
