SA pagtamlay ng illegal POGO, target naman ngayon ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang mga abusadong negosyante sa likod ng online lending apps.
Pag-amin ni PAOCC Executive Director Undersecretary Gilbert Cruz, hindi bababa sa 15,000 reklamo ng pang-aabuso ang idinulog sa ahensya ng mga biktimang karamihan aniya’y mga Pinoy.
Batay sa datos ng PAOCC, karamihan sa mga nabudol ng mga online lending apps ay mga guro, propesor, OFW at mga Pilipinong nasa low-income bracket.
Batay sa reklamo ng mga biktima, nagawa nilang mangutang sa online lending apps dahil sa biglaang pangangailangan tulad ng pambayad sa renta, medical bill o matrikula sa eskwela.
Sa naturang bilang, nasa 200 biktima na ang humarap sa ahensya at idinetalye ang mga pang-aabusong natanggap mula sa mga online lending app.
Kasunod ito ng inilunsad ng PAOCC na “One-Stop-Shop” para sa pormal na paghahain ng reklamo laban sa mga online lending apps kung saan nakakapagbigay ng libreng legal na payo at suporta sa pamamagitan ng Department of Justice, gayundin ng tulong sa transportasyon at pagkain.
Para kay Cruz, lubhang nakakaalarma ang psychological toll ng harassment sa mga biktima sa tuwing pumapalya sa pagbabayad ng kanilang mga utang dahil napipilitan na ang ilan na mag-resign sa kanilang mga trabaho habang dumaranas naman ang iba ng mental illness na nauuwi sa pagpapatiwakal.
Nakikipag-ugnayan na rin ang PAOCC sa Securities and Exchange Commission. Katunayan aniya, may ilang lending companies na ang tuluyang tinanggalan ng lisensya.
Hindi naman naitago ni Cruz ang pagkadismaya sa aniya’y panlolokong ginagawa ng mga Pinoy sa kapwa Pilipino.
Samantala, target rin aniya ng PAOCC ang total ban sa mga ilegal na online lending apps — “Gusto po natin totally mawala na ito kasi ho kabit-kabit ho eh. Totally mawala na ‘tong online lending. Hindi ko naman sinisiraan itong lending, may mga legit naman po pero dapat po medyo maingat sila. Dapat medyo mapanuri sila bago po sila mangutang.”
Tiniyak naman ni Cruz sa publiko na mas paiigtingin ng PAOCC ang mga hakbang laban sa mapang-abusong online financial platforms na lumalabag sa data privacy at human dignity.
