November 12, 2024

saksipinas

Palaban, Walang Kinikilingan

Kawaning may kakayahan, huwag idamay sa sibakan

Ni Lily Reyes

SA nalalapit na pag-upo ng mga bagong halal na kapitan barangay, nanawagan si Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos na panatilihin sa pwesto ang mga daratnang kawani, lalo pa’t may kakayahan ipagpatuloy ang programa ng gobyerno.

Para kay Abalos, panahon nang iwaksi ang tinawag niyang ‘political retribution’ kasabay ng giit na higit na kailangan ipamalas ng mga bagong halal aniyang mas angkop na magbigay inspirasyon at pagkakaisa ng mga tao.

“Hindi po ito gantihan.  I am pleading sa ating mga bagong kapitan ngayon na hangga’t maaari sana ay yakapin natin lahat [barangay personnel] including the continuity of good programs and projects. Para magawa ito, siyempre, kailangan mo ng mga mabuting tao para ipagpatuloy ang mga serbisyo ng gobyerno,” wika ni Abalos sa isang panayam.

Para sa DILG chief, dapat unahin ng mga bagong halal na opisyal ang pagpapanatili ng mga barangay health workers, nutrition scholars, at mga tanod.

Dagdag pa ng Kalihim, malaking bentahe ang pagpapanatili sa mga barangay workers na sumailalim na sa capacity development interventions para sa epektibong sa pagtugon sa mga problema sa mga barangay.

Una nang nagbabala si Abalos sa mga bagong halal na opisyal na huwag magtalaga ng mga kamag-anak sa mga posisyong administratibo, at sa halip ay kumuha ng mga kawani batay sa edukasyon at iba pang mga kwalipikasyon.