
MULING nalagay sa peligro ang buhay ng mga Pilipinong sakay ng dalawang barko ng Pilipinas matapos kuyugin, banggain at bombahin (gamit ang water cannon) ng limang sasakyang dagat ng China sa Bajo de Masinloc na sakop ng West Philippine Sea, sa bahagi ng lalawigan ng Zambales.
Ayon kay Commodore Jay Tarriela na tumatayong tagapagsalita ng Philippine Coast Guard for the West Philippine Sea (PCG-WPS), limang naglalakihang Chinese ships ang sumalubong sa Philippine Coast Guard patrol vessel at barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa karagatang malapit sa Bajo de Masinloc dakong alas 6:00 ng hapon ng Disyembre 4.
Ani Tarriela, binangga at ginamitan ng water cannon ang PCG at BFAR vessels sa hangaring itaboy ang mga Pilipino sa loob pa man din aniya ng 200-nautical mile Philippine Exclusive Economic Zone.
Sa ulat ng PCG, tinukoy ang at tatlong Chinese Coast Guard vessels na may bow number 5303, 3302 at 3104. Kabilang rin aniya sa mga nagtaboy ang dalawang People’s Liberation Army Navy vessels na may bow numbers 500 at 571.
Nagtamo rin aniya ng pinsala ang barko ng Pilipinas bunsod ng naturang insidente.
Samantala, tiniyak ng PCG ang patuloy na pagpapatrolya sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas, gayundin ang pagbibigay ng proteksyon sa mga mangingisdang Pinoy na umaasa sa yaman dagat bilang kabuhayan.