
NAHATULAN ng husgado sa Cambodia ang 13 Pinay na biktima ng baby-maker modus, bunsod ng paglabag sa umiiral na batas na mahigpit na nagbabawal sa surrogacy practice sa naturang bansa.
Sentensya ng korte sa 13 Pinay — 20 taong pagkabilanggo sa Phnom Penh. Gayunpaman, nilinaw ni Undersecretary Eduardo dela Vega ng Department of Foreign Affairs (DFA) na pinagbigyan ng pamahalaan ng Cambodia ang pakiusap ng kagawaran na ibaba ang parusa sa dalawang taon.
Katunayan aniya, pinagsisikapan na ng gobyerno ng Pilipinas na mapauwi sa bansa ang 13 surrogate mothers na kasalukuyang nakakulong sa Cambodia.
Samantala, meron din aniyang dalawang bagong panganak na Pinay surrogate moms ang inaasikaso ng kagawaran sa pakikipagtulungan ng Department of Social Workers and Development (DSWD) at Department of Justice (DOJ).
Paalala ni dela Vega sa mga Pinoy, mahigpit na ipinagbabawal ang surrogacy sa ibang bansa.
Una nang inihayag ni Philippine Ambassador to the Cambodia Flerida Ann Camille Mayo na ang 13 surrogate mothers ay na-recruit online sa pamamagitan ng private messaging o texting ng isang ahensya na nakabase sa Pilipinas.
Wala rin aniyang direktang pag-uusap ang mga Pinay sa kliyente dahil hawak ng third party agency representative na kinikilalang “Ima” ang lahat ng kanilang transaksyon.