Ni Estong Reyes
MAHIGIT 220 bata o sanggol na may edad 0 hanggang 4 na buwang gulang ang namatay sa Sitio Kapihan, Socorro, Surigao del Norte, na pawang sentro ng miyembro ng kultong Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI).
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senado sa hinihinalang krimen ng Soccoro cult tulad ng rape, sexual abuse, trafficking, forced labor, at child marriage, ipinakita ni Hontiveros ang listahan ng sanggol sa Sitio Kapihan na hindi pinayagan ng SBSI leaders na dalhin sa ospital upang gamutin.
“Ako po ay nagsaliksik pa ng mas malalim at pinagtanong-tanong ko kung sino-sino ba ang namatayan ng anak na sanggol sa Kapihan. I was shown this sheet of paper. Mr. Chair, napakadami nito. In fact, if our informants are to be believed, higit 200 ang namamatay na mga bata from the ages of newborn to 4 years old,” ayon kay Hontiveros.
“If this is true, why so many dead babies? Why are we allowing children to die? ‘Di ba natin inaalagaan ang mga sanggol sa Kapihan? ‘Di ba Padron po ninyo si Santo Niño, bakit nangangamatay ang mga Niño at Niña?” giit pa ng mambabatas
Nitong Oktubre, ilang libingan ng sanggol ang nadiskubre sa Sitio Kapihan, sa isinagawang ocular inspection ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa.
Natuklasan sa lugar na isang sanggol na ipinanganak nitong Disyembre 14, 2021 na namatay tatlong araw pagkapanganak nang hindi dinala sa ospital. Inilibing ang sanggol sa gilid ng basketball court pero inilipat lamang sa sementeryo ngayong taon.
Kasama ang National Bureau of Investigation (NBI), iniutos ni Dela Rosa ang exhumation ng labi ng sanggol upang imbestigahan.
Ayon kay Hontiveros, kanyang kukuwestiyunin ang NBI hinggil sa resulta ng exhumation.
“Kasi nakakabahala talaga. Kung hindi man pinatay na sadya, ay pinatay sa kapabayaan,” aniya.
Sa kanyang testimonya, sinabi ni Randolf Balbarino, ama ng isang sanggol na namatay sa lugar, na nawalan siya ng anak dahil hindi pumayag si SBSI leader Jey Rence Quilario or “Senior Agila” na dalhin sa ospital ang bata dahil ilalabas ng Sitio Kapihan.
“‘Yung mga kumadrona doon, sinabihan ko na ilabas ko ang anak ko kasi parang agaw-buhay na ang bata. Sabi ng kumadrona na pinagbabawal kasi ni Senior Agila, wala tayong magawa,” aniya.
Itinanggi ni Quilario ang alegasyon dahil hindi pa siya umano ang president ng SBSI ng 2020.
Sinabi ni Balbarino na ikinokonsiderang “doctor” ng kulto ni Quilario sa Sitio Kapihan kaya siya mismo ang nagsasagawa ng internal examination sa asawa.
“For the record, sinabi ng asawa mo na si Senior Agila, nag-conudct ng IE sa kanya? Meaning, ‘yung kamay ni Senior Agila, ipinasok doon sa ari ng asawa mo para malaman ung ano ang distance ng ulo ng bata or part of the body of the infant sa loob, para malaman ang distance gano’n. ‘Yan ang purpose ng IE ‘di ba? Siya ang mismong gumawa?” tanong ni Dela Rosa na kinumpirma ni Balbarino.
Pinabulaanan din ni Quilario ang alegasyon kaya isiningit nitong dapat ang asawa ni Balabarino mismo ang tanungin upang malaman ang katotohanan.
“Hindi, hindi kasi hindi ako marunong niyan. Wala akong alam sa sinasabi niya,” aniya.
Ayon kay Hontiveros, nahaharap si Quilario ng iba pang kaso kapag napatunayan ang naturang pahayag.
“Kapag napatunayan ‘yan na ganyang pagpasok ng bahagi ng katawan sa bahagi ng katawan ng ibang tao na walang pagpapayag, sakop pa ‘yan ng ibang batas, Mr. Chair, bukod pa sa ibang iniimbestigahan nating marami,” aniya.