
Ni Estong Reyes
MISTULANG bumigay si Vice President Sara Duterte sa panawagan ng taumbayan laban sa confidential funds na kanyang hinihingi sa Kongreso kahit wala itong kinalaman sa kanyang tungkulin bilang education secretary.
Sa deliberasyon ng Senate committee on finance sa pambansang badyet, sinabi ni Senador Sonny Angara na hindi na isinusulong ni Duterte ang hinihingi nitong P500-million confidential fund sa OVP at P150-M para sa Department of Education (DepEd).
“The issue is divisive,”ayon kay Angara, budget sponsor chairman ng Senate Finance na galing sa salita mismo ni Duterte.
Pagkatapos nito, isinumite ni Angara sa Senate plenary ang P1.8 bilyong badyet sa OVP para sa 2024.
Naunang kinaltas ng Mababang Kapulungan ang kahilingan ni Duterte sa naturang pondo kasama ang ilang civilian agencies ng gobyerno, saka inilipat sa security offices.