Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
DAHIL sa kabiguang magkaloob ng sapat na serbisyong medikal sa mamamayan, nag-mosyon si Cong. Wilbert Lee na ipagpaliban ang plenary deliberation ng badyet para sa susunod na taon ng Department of Health (DOH) at mga attached agencies ng naturang kagawaran – kabilang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
“Nakakadismaya po itong ganitong ginagawa ng DOH. Nagbibingi-bingihan ba ang mga opisyal ng Kagawarang ito o manhid na ba ito sa mga hinaing ng mga Pilipino pagdating sa kulang-kulang na serbisyong pangkalusugan? Bakit hindi nila maibigay ang dapat at kayang ibigay para sa buhay at kalusugan ng ating mga kababayan,” pahayag ni Lee sa pagtindig sa plenaryo para tuligsain ang aniya’y kapalpakan ng nasabing ahensya.
“Nganga na lang ba tayo habang hinihintay kung kailan nila i-a-approve yung panawagan natin para sa mas maganda at ramdam na benepisyo mula sa PhilHealth? Diyos po ba itong mga tao na ito, na malamang ay nandito sa harap natin ngayon. Kung nandito po sila at kinakailangan ako na ang magmakaawa para sa taumbayan, gagawin ko. Maawa kayo sa mga Pilipino,” saad pa ng AGRI partylist lawmaker partikular sa kawalang aksyon ng PhilHealth Benefits Committee na pinamumunuan ng DOH.
“Paghihintayin na naman ba tayo? Para saan pa, para i-dribble na naman tayo sa sunod na budget deliberations? Since hindi nila ibinigay at itinaas yung mga benepisyong paulit-ulit na po nating tinutulak dito bago ang plenary deliberations, wala sila ni anumang anunsyo sa plano o timeline na hinihintay ng publiko, o kung ano ang problema kung saan pwede natin silang tulungan, napakalaking kasalanan ang ginagawa nila sa taumbayan,” dagdag ni Lee.
“We are not only violating their rights, worse, we are allowing them to die without a fight,” litanya pa ng Bicolano solon.
Nagtataka si Lee kung bakit sa kabila ng daang-bilyong PhilHealth funds ay hindi maitaas ng state medical insurer ang benefits coverage para mabawasan ang gastusin sa pagpapagamot ng mga miyembro.
Kaya kasabay sa hirit niyang isantabi muna ng House plenary ang pagbusisi nito sa proposed 2025 budget ng DOH, hiniling ni Lee sa ahensya na magsumite ng “detailed and comprehensive plan with timeline” sa kung paano nito mapapababa ang out-of-pocket expenses ng mga pasyente sa kanilang hospital bills.
Gayundin ang pagpapatupad ng malaking pagtaas sa benefit package ng PhilHealth kabilang ang para sa PET scan, MRI at CT scan, paglalabas ng revised benefit plan ng PhilHealth Board at kung kailan maipatutupad, pagbibigay ng full coverage sa pagpapagamot ng cancer patients gaya ng chemotherapy at medical procedures naman sa mga may sakit sa puso.
Nais din ni Lee na magpatupad ng 50% across the board benefits increase ang PhilHealth sa lalong madaling panahon at isama ang optometric services at eyeglasses sa benefits package, na dapat magkaroon naman ng katuparan pagsapit ng September 30 at marami pang iba.
“We need a radical overhaul and not incremental change in our health financing. Radikal, hindi tingi-tingi na suporta sa serbisyong pangkalusugan,” giit ni Lee.
“Sabi nga, ‘bawat buhay mahalaga,’ pero bakit napako tayo sa ‘bakit buhay, mahal’ na para makapag paggamot at dugtungan ang buhay ay dapat gumastos ng pagka mahal-mahal? Dapat gamitin ang pondo sa kalusugan para sa kalusugan!,” pangwakas na hirit ng mambabatas mula sa Bicol region.
Kinatigan ng liderato ng Kamara ang pagpapaliban ng deliberasyon sa isinusulong ng 2025 budget ng DOH.
Karagdagang Balita
1M BOTANTE BISTADO SA MULTIPLE REGISTRATION
PAOCC SPOX NANAMPAL, SINIBAK NG PALASYO
DEMOLITION JOB KONTRA KAMARA, INALMAHAN