Ni LILY REYES
ANG mga malawakang pagbaha at kabi-kabilang pagguho ng lupa sa mga nakalipas na buwan ay hindi pa dulot ng La Niña phenomenon, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Ayon sa PAGASA, inaasahan magsisimula ang paramdam La Niña sa pagitan ng Setyembre at Nobyembre, taliwas sa unang pagtataya ng ahensya.
Paliwanag ng state weather bureau, higit sa normal ang karaniwang resulta sa tuwing lumalamig ang temperatura sa ibabaw ng dagat sa gitna at silangang equatorial Pacific Ocean – kada dalawa hanggang tatlong taon.
Paglilinaw ni PAGASA Assistant Weather Services Chief Ana Liza Solis, ang mga sunod-sunod na tropical cyclones sa bansa ay maagang senyales ng epekto ng La Niña.
Pinawi naman ni Solis ang pangamba ng mga mamamayan sa inaasahang papasok sa bansa ng La Niña.
Gayunpaman, hindi aniya dapat ipagwalang-bahala ang banta ng masamang panahon kahit pa mahinang klase lang ng La Niña ngayong taon.
“Kailangan emphasize, historically, base sa mga datos ng Pagasa, kapag weak La Niña mas maraming nararanasan na Super Typhoon kapag September, October, November, December. So may dalawang similar condition na weak La Niña tayo pero nandoon yung tatlo hanggang apat na typhoon at super typhoon category,” paliwanag pa niya.
