
Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
TULAD ng inaasahan, tinapyasan ng House Committee on Appropriations ang pondo para sa Office of the Vice President.
Mula sa hirit na P2.037 bilyong pondo sa susunod na taon, nauwi sa P733 milyon lang ang pinalusot ng komite, ayon kay Marikina City 2nd District Rep. Stella Luz Quimbo na tumatayong vice chairperson ng panel.
Sa isang pulong balitaan, kabilang aniya sa mga tinanggal na pondo sa tanggapan ni Vice President Sara Duterte ang alokasyon para sa financial assistance, professional services, partikular ang para sa consultants at job order (JO); utilities, supplies and materials, at rentals/leases.
Gayunpaman, nilinaw ng Marikina City lady solon na hindi ginalaw ang alokasyon ng OVP sa “personal services” o badyet para sa sweldo ng mga kawani ng tanggapan ni VP Sara.
Partikular na tinukoy ni Quimbo sa mga pondong inalis kay VP Sara ang P947 milyon para financial assistance (FA) fund na nakatakda naman i-realign sa programang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Wala na rin sa OVP ang P646 milyon para sa medical assistance program na napunta naman sa Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) Program ng Department of Health (DOH).
Pinawi naman ni Quimbo ang pangamba ng mga benepisyaryo ng OVP. Aniya, pwede pa rin naman lumapit sa DSWD at DOH para makahingi ng kinakailangan tulong sa pamamagitan ng pormal na pagsusumite ng request sa dalawang nabanggit na ahensya ng gobyerno.
“Nakita at dama din naman din natin na subok na ang DSWD at DOH sa mga programang ito kaya kung ito ay makakatulong lalo na mas mapalawak ang pag-aabot ng tulong sa recipients, bagay na hindi naging klaro sa mga programa dati sa OVP base sa COA report,” diin ng mambabatas.
Base sa report ng Commission on Audit (CoA), “di nagamit ng mabuti ang pondo at may redundancy ang mga programa, maraming problema sa implementation.”
“Ilipat na lang ang funds sa DSWD at DOH and we will ensure na meron syang sapat na allocation doon hanggang doon sa kayang ma-implement ng opisina nila,” dagdag pa niya.
Nasilip din umano ng House panel ang pagkakaroon ng OVP ng 10 satellite offices at dalawang extension offices. Mula sa P80 milyong pambayad sa renta ng mga opisina ni VP Sara, maglalaan na lang aniya ng P32 milyon.
“We want them to return to the spending level in 2022, when the OVP maintained just one office,” ayon pa kay Quimbo.
“Magkakaroon pa ng isa pang round ng amendments ng budget amounts (sa plenary), at ito yung magiging recommendation namin ng (House) to the Senate. Matapos ang senate approval, meron pang bicameral (committee) approval. Babalik ulit sa (House) at Senate for ratification. And then for President’s approval,” paliwanag pa niya.
Sa ilalim ng umiiral na sistema ng gobyerno, may kapangyarihan ang Pangulo i-veto ang anumang pagtitibayin ng kongreso.
“So kitang kita po natin na napakahaba ng proseso at napakaraming tao na involved sa budget approval.”