Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
SA hangaring bigyan ng angkop na proteksyon ang hanay ng mga tinaguriang “third sex,” nagpahayag ng suporta si House Deputy Majority Leader at ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo sa panukalang Sexual Orientation and Gender Identity and Expression and Sex Characteristics (SOGIESC) Equality bill na inihain sa Kamara.
“Now, I would just like to point out before I close, being a Catholic, a Roman Catholic, a former seminarian, the Catholic Church, though considered a conservative religion through Pope Francis now supports civil legislation that gives same-sex couples rights in areas such as pensions, health insurance, and inheritance,” pahayag ni Tulfo.
“The Roman Catholic Church now accepts same-sex attraction, and it says that it is not sinful. And it welcomes everybody in the house of God, including the LGBT community. Therefore, Mr. Speaker, I support the passage of this bill,” dagdag ng kongresista.
Bilang tugon, kinilala naman ni Bataan Rep. Geraldine Roman, si Rep. Tulfo at ang kapatid sa senado – si Sen. Raffy Tulfo sa aniya’y “gender sensitive” na programa sa radyo at suporta sa LGBTQIA+ community.
“Nais ko rin pasalamatan sana ang ating nagtatanong ngayong hapon si Rep. Tulfo sapagkat sa kanyang programa sa radyo at kahit na rin po ang kay Sen. (Raffy) Tulfo na programa, ay napaka-gender sensitive nila,” wika ni Roman.
“Natutuwa po ako na mga taong lumalapit sa kanila na bahagi ng LGBTQIA community ay tinatrato na may paggalang, tinatanong muna ano ba ang iyong pronoun of choice at wala po silang nararanasan na diskriminasyon,” dagdag ng mambabatas.
Ani Roman, dapat tularan ng media ang magkapatid na Tulfo para sa pagsuporta sa SOGIESC Equality Bill.
“Sana ganito lang po, sa pamamagitan ng mga magagandang halimbawa sa media po, mainstream media. At dumadami naman po, syempre, sa social media ang sumusuporta sa panukalang batas na ‘to, ay mapapalaganap natin at mapaparating sa bawat sulok ng ating bansa ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang batas na nagpoprotekta laban sa diskriminasyong nakabase sa SOGIESC at sexual orientation and gender identity and expression,” anang Bataan lawmaker.
Sa kanyang interpelasyon, target ni Tulfo tiyakin na ang panukalang batas na nagbabawal ng diskriminasyon ay tunay na makakatulong sa ekonomiya at makakahikayat din ng dayuhang pamumuhunan sa bansa.
Bilang isang media practitioner, iminungkahi rin ni Tulfo ang isang epektibong kampanya ng pagpapalaganap ng impormasyon upang ipaalam sa publiko ang tungkol sa nasabing anti-discrimination bill.
