KASABAY ng pagbati ng isang mapayapa, masagana at puno ng pag-asa na 2025 para sa bawat pamilyang Pilipino, umaasa si House Speaker Martin Romualdez na ang bagong taon ay maghahatid ng mga oportunidad para sa pagkakaroon ng maunlad at matatag na bansa.
“Sa ating pagsalubong sa Bagong Taon, nais kong ipaabot ang aking taos-pusong pagbati ng isang mapayapa, masagana at puno ng pag-asa na 2025 para sa bawat pamilyang Pilipino,” mensahe ni Romualdez.
Inilarawan ng lider ng 307-strong House of Representatives ang Bagong Taon bilang bagong panimula at pagkakataon na magkaroon ng nagkakaisang hakbang tungo sa magandang kinabukasan ng bansa sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Ang Bagong Taon ay isang simbolo ng bagong simula – isang pagkakataon upang magtulungan muli at magtatag ng mas matibay na kinabukasan para sa ating bayan,” dagdag ng lider ng Kamara.
Ayon kay Romualdez, ang nakaraang year 2024 ay nagdala ng malaking tagumpay sa kabila ng mga pinagdaanang hamon dala ng mga kalamidad.
“Ang taong 2024 ay nag-iwan ng maraming alaala para sa ating bansa. Marami tayong naging tagumpay, ngunit ito rin ay naging taon ng matinding hamon – sunod-sunod na bagyo, pagbaha at iba pang kalamidad ang nagdulot ng hirap at pagsubok sa ating mga kababayan,” pahayag pa ng Leyte solon.
“As we step into 2025, let us carry with us the lessons of the past year. Let us remain united in our resolve to rise above challenges, to rebuild what has been lost and to ensure that no Filipino is left behind,” aniya pa.
“Kasabay ng pag-asa sa bagong taon ay ang panibagong tapang at lakas ng loob upang harapin ang mga hamon at pagkakataon ng kinabukasan,” dugtong ni Romualdez.
Samantala, muling tiniyak ng lider kongresista ang matatag na pangako ng Kamara na tugunan ang mga pangangailangan sa pagpapabuti ng bansa sa pamamagitan ng kaukulan at maagap na pagsusulong ng mga panukalang batas.
“Bilang lider ng House of Representatives, nais kong tiyakin na ang inyong Kongreso ay mananatiling kaisa ninyo sa pagsusulong ng mga batas na tunay na makakatulong sa buong bansa. We remain strong in our commitment to prioritize legislation that will uplift the lives of our people – laws that will spur economic growth, improve public services and strengthen disaster resilience,” diin pa niya.
Panawagan ni Romualdez, pinaigting na ugnayan at pagtutulungan ng gobyerno at pribadong sektor upang matiyak na ang bawat mamamayan ay mapag kalooban ng kaukulang serbisyo at oportunidad para sa pagpapaunlad ng buhay.
Muli ring inihayag ni Speaker Romualdez ang buo at matatag na suporta ng Kamara sa liderato ni Marcos kabilang partikular sa isinusulong na “Bagong Pilipinas,” para sa pinayabong na oportunidad, kaligtasan at pag-asa para sa bawat isa.
“Sama-sama nating itaguyod ang isang Bagong Pilipinas ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ R. Marcos Jr., isang bansa kung saan ang bawat Pilipino ay may oportunidad, may seguridad at may pag-asa.”
“Muli, isang masaya, masagana at mapayapang Bagong Taon sa inyong lahat. Mabuhay ang Pilipino, at mabuhay ang ating mahal na Pilipinas!,” pagtatapos ni Romualdez. (Romeo Allan Butuyan II)
